LIHAM PASTORAL NG LUBHANG KAGALANG-GALANG HONESTO F. ONGTIOCO PARA SA COVID-19

“Kapiling natin si Hesus. Siya ang tubig na nagbibigay buhay.Sa kanya ang paghilom at pag-asa.”

Sa simula, hindi naunawaan ng Samaritana kung ano ang nais ni Hesus nang humingi ito ng tubig sa kanya. Nais pala ni Hesus na ibigay ang kanyang sarili sapagkat siya ang tubig na bumubukal tungo sa buhay na walang hanggan. Sa panahong ito ng pag-aalinlangan at pagsubok, lumalapit tayo kay Hesus, ang tubig na nagbibigay buhay. Pinapawi niya ang ating pagkauhaw at ang ating takot. Kay Hesus nakatatagpo tayo ng lakas ng loob upang sama-sama nating harapin ang mga hamong dulot ng COVID-19.

Pinapaalala sa atin ng World Health Organization (WHO) na kung saka-sakaling ito ay maging pandemic, sa kauna-unahang pagkakataon, haharap tayong hindi nakatali ang ating kamay. Ang pinakamahalaga sa lahat – may magagawa tayo sa sakit na ito.

Tayo’y nagpapakumbaba at humihingi ng awa sa Panginoon, habang ating pinangungunahan ang mga dapat gawin sa ating mga pamayanan. Ang kalusugan ng lahat ay tungkulin ng lahat. Hindi lamang ito obligasyon sa lipunan, bagkus ito ay ating misyon.

Bilang tugon sa panawagan ng pamahalaan at ng ating mga obispo (CBCP public health advisory), hinihikayat natin ang lahat na gumawa ng paraan upang mapigilan ang pagkalat ng sakit na ito.

Huwag kalilimutan ang madalas at tamang paghuhugas ng kamay gamit ang tubig at sabon. Sisiguraduhin ng lahat ng parokya na ipalinis ng mabuti ang simbahan at laging may alcohol sa mga pinto nito. Hinihiling ko sa lahat na umiwas muna sa paghawak at paghalik sa mga imahe. Pansamatala munang hindi maglalagay ng banal na tubig sa mga sisidlan nito.

Para sa mga may karamdaman, iwasan na munang dumalo sa mga pagdiriwang ng simbahan. Sinuman ang nakararanas ng lagnat, ubo, o sipon ay dapat manatili sa bahay at sumangguni sa doktor kung kinakailangan. Ito ay totoo lalung lalu na sa mga pari, tagapagbigay ng komunyon, mga tagapagpahayag ng salita ng Diyos, mga taga-kolekta, mga kasama sa choir, mga sakristan, at ibang pang mga tagapaglingkod. Kung babahing o uubo, ang tamang gawin ay ang takpan ang bibig, sapagkat ito ang maaring pagmulan ng pagkahawa. Ating tatandaan na ang mga bagay na ito ay malinaw na tanda ng pagmamalasakit sa kapwa.

Ayon sa WHO maari ding kumalat ang corona virus sa pamamagitan ng pera. Pinapaalala sa lahat na gumamit ng sanitizer pagkatapos maglagay ng alay sa collection box.

Hinihiling natin sa lahat ng mga nagbibigay ng komunyon na gumamit ng alcohol bago at pagkatapos magbigay. Huwag kalilimutan na ang kamay ang gamitin sa pagtanggap ng komunyon. Makakatulong din sa pag-iwas sa pagkalat ng virus kung tahimik na ibigay at tanggapin ang komunyon.

Malinaw ang mungkahi ng Department of Health (DOH) na iurong, ipagpaibang-araw, o ihinto ang lahat ng malakihang pagtitipon. Bilang tugon sa panawagang ito, ako ay nanawagan na ipagpaliban ang mga pagtitipon tulad ng recollection, retreat, pilgrimage, Daan ng Krus, prayer meeting, at Kumpisalang Bayan. Subalit, hinihiling ko sa mga pari na maglaan ng mas maraming panahon para sa Sakramento ng Kumpisal. Siguradihin na ito ay gagawin sa loob ng confessional kung saan may sapat na pangangalaga para sa kalusugan ng pari at ng nangungumpisal.

Hindi natin ititigil ang paglilingkod sa mga maysakit, gayun din ang pagdiriwang ng binyag at ng iba pang mga sakramento. Sisiguraduhin natin na ang lahat ng ito ay gagawin ng may kaukulang pag-iingat para sa kapakanan ng naglilingkod at mananampalataya. Maaring makiisa sa recollection sa pamamagitan ng facebook page ng Diyosesis ng Cubao.

Sa ngayon, pinipigilan natin ang pagkakamayan sa pagbibigay ng kapayapaan, ang paghawak ng kamay sa Ama Namin, ang pagbeso-beso, at ang pagmamano.

Sa gitna ng mga panahong ito na tayo ay sinusubok, ang Diyosesis ng Cubao ay patuloy na magiging liwanag na bukal ng pag-asa. Gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang maging tagapag-hatid ng kabutihan. Iwasan natin ang magbahagi ng mga balitang hindi totoo, na nagdudulot ng kaguluhan at pagkabahala. Pagsikapan natin na ang lahat ng ating desisyon at gawain ay naka-ugat sa pananampalataya at katwiran. Marami na tayong pinagdaanan, at sa mga pinagdaanang ito laging lumilitaw ang kabutihan ng bawat isa, bilang Kristiyano at bilang Pilipino. Ito rin ang inaasahan natin sa pagharap natin sa pagsubok na ito.

Hinihiling ko sa lahat na bantayan ang anumang kaganapan ukol sa virus na ito at gawin ang lahat ng makakayanan upang mapigilan ang pagkalat nito. Patuloy tayong makikiisa sa mga panuntunan ng ating pamahalaan sa pagsugpo ng COVID-19.

Habang ipinagkakatiwala natin sa awa ng Diyos ang ating bayan at ang buong mundo sa pamamagitan ng patuloy na pagdarasal ng Oratio Imperata sa lahat ng ating parokya, hindi natin kinalilimutan ang ‘di mabilang na mga bayani sa panahong ito – ang mga health workers, mga doktor, mga nurse, mga volunteers, mga katuwang sa pamahalaan, mga scientist, at lahat ng kumikilos upang puksain ang salot na ito.

Sa mga minamahal kong mga pari ng Cubao, sa biyaya ng ordinasyon, kayo ay naging mga pastol ayon sa puso ni Kristo. Maging matapang mayo sa paglilingkod natin sa kawan na ipinagkatiwala sa atin.

Kapiling natin si Hesus. Siya ang tubig na nagbibigay buhay. Sa kanya ang paghilom at pag-asa.

Maria, lakas ng may karamdaman, ipanalangin mo kami.
San Roque, patron sa panahon ng salot, ipanalangin mo kami.
San Lorenzo Ruiz, ipanalangin mo kami.
San Pedro Calungsod, ipanalangin mo kami.

MOST REV. HONESTO F. ONGTIOCO, DD
Bishop of Cubao

Previous Diocese of Cubao issues pastoral statement for COVID-19

Leave Your Comment

Roman Catholic Diocese of Cubao

    Obispado de Cubao Bldg

       41 Lantana St., Cubao, Quezon City, Philippines 1111

Phone:
(08) 723 5113
Email:
info@dioceseofcubao.ph