Marinong Filipino Nag-Uugnay sa Mundo: Homily of Bishop Honesto Ongtioco

"Marinong Filipino Nag-uugnay sa Mundo", ito ang tema ng ating pagdiriwang!

Isang pinagpalang umaga sa inyong lahat. Congratulations sa inyong lahat sa pagdiriwang natin ng 22nd National Seafarers Day. Sa aking kaalaman, we supply one third of the world's seafarers. Mabuhay ang Marinong Filipino!

Mayroon tayong awit na pinamagatang: No Man is an Island. Binibigyan pansin ang inyong mahalagang gawain bilang marino. Sabi sa atin -- "No man is an islang. No man stands alone. Each man's joy is joy to me. Each man's grief is my own. We need one another. So I will defend, each man as my brother, each man as my friend."

Oo napakahalaga ng inyong gawain. Inuugnay ninyo ang mga bayan, bansa at lahat ng mga tao. May pangarap ang Diyos. Nais niya tayong maging isang malaking pamilya -- magbuklod upang magtulungan, magmalasakit at maglingkod sa isa't isa. Bilang Marinong Filipino, tayo ay ginagamit ng Diyos para abutin ang lahat ng tao at maipakilala Siya sa ating paglilingkod sa kanila. Sa ating pag-ibig nakikilala ang Diyos na buhay.

Tayo ay isang pamilya na dapat magmalasakit sa isa't isa. Sa isang pamilya nagtutulungan ang mga miembro. Ang mga malakas ay tinutulungan ang mga mahihina. Ang mga may sakit, kinakalinga ng mga malulusog. Lahat ay binibigyan ng atensiyon. Kahit mura pa ang isip ni bunso at kadalasan ay naglalaro, kasamang lagi sa kainan. Kumakain kahit hindi pa nagtatrabaho habang yung mga kapatid ay nag-aaral. Walang pinababayaan. Kung sakaling nawalan ng trabaho ang isa, tutulungan pansamantala ng isang kapatid may kabuhayan at trabaho. Walang reklamo kung pagod ang isa, dahil magpupuno ang ibang kapatid. Iyan ang isang pamilya -- nagtutulungan, nagmamahalan at nagmamalasakit sa isa't isa.

Mayroong kwento tungkol sa dalawang magkapatid na nagmana sa lupa ng kanilang  mga yumaong magulang. Hinati nila ito. Ang isa ay may pamilya at tatlo ang kanyang mga anak, at yung isa naman ay walang asawa at pamilya. Pagkatapos ng anihan, hating magkapatid ang ginagawa sa kanilang ani. Hindi nagtagal yung kapatid na may pamilya ay nabalisa at nag-isip siya ng ganito, "Kawawa naman ang kapatid ko. Wala siyang pamilya at walang maaasahan balang araw, samantalang ako at may tatlong anak na tutulong sa aking pangangailangan kapag ako'y tumanda at nagkasakit." Kaya naisip niyang maglipat ng ilang sakong palay mula sa kanyang silong, sa bodega ng kayang kapatid habang ito ay natutulog para hindi niya malaman. Sa kabilang banda, naisip din ng kapatid niyang walang asawa na hindi niya kailangan ang lahat ng kanyang tinatanggap pagkatapos ng ani dahil siya ay nag-iisa at mas marami ang kailangan ng kanyang kapatid. vKaya siya ay gumawa ng paraan upang makatulong sa kanya. Habang natutulog ang kanyang kapatid, patago siyang naglipat ng ilang sakong bigas mula sa kanyang bodega tungo sa silong ng kanyang kapatid.

Nagtataka silang pareho kung bakit hindi nababawasan ang kanilang mga naipon na bigas. Isang gabi habang naglilipat ng bigas ang bawat isa, nagkasalubong sila at sila ay nagyakapan na lamang. Nasaksihan ng Diyos ang kanilang pagmamahalan, at Siya ay ngumiti, at Kanyang sinabi, "Dito itatayo ang Aking simbahan!"

Mabuhay ang Marinong Filipino na nag-uugnay sa mundo!