Harana kay Maria, inihandog ng mga Katolikong mag-aaral sa UPD

Ulat ni Mark Ivan Ugalino

UP DILIMAN - Bilang pagpupugay kay Maria sa kanyang kaarawan, idinaos nitong Huwebes sa Parokya ng Banal na Sakripisyo ang “Harana kay Maria” (HKM), isang benefit mini-concert, kung saan itinampok ang samut-saring awiting alay para sa Mahal na Birhen noong Setyembre 7, 2017.

Pinangunahan ng Campus Ministry Office (CMO) at ng Catholic Students’ Community (CSC) ang nasabing pagtatanghal.

“Psychology says [that] when you sing with other people you emotionally bond with them. This is also a way... to build a community,” sabi ni Fritz Jalandoni, ang punong abala para sa HKM ngayong taon.

(Ayon sa sikolohiya, kapag umaawit tayo kasama ang ibang tao ay naiuugnay natin ang ating sari-sariling nararamdaman. Paraan din ito upang bumuo ng komunidad.)

“One way na rin ito para mapaalam sa ibang tao iyong tungkol kay Mama Mary [at] mafeel din nila iyong love niya,” dagdag ni Jalandoni.

Sampung awitin, kabilang ang “Awit ng Pagsuyo,” “Stella Maris,” “Mariang Ina Ko,” at “Iyung-Iyo,” ang itinampok ng CMO at CSC.

Samantala, ginanap din ang HKM upang makalikom ng pera bilang donasyon sa mga pamilya sa Bagong Silangan, Lungsod Quezon na apektado ng drug war ng administrasyong Duterte.

Ayon sa Philippine Daily Inquirer, huling naitala na mayroong 90% ang pagtaas ng kaso ng pagpatay sa mga barangay na sakop ng Quezon City Police District Batasan Hills matapos ipatupad ang drug war, kabilang na ang Bagong Silangan.

“Inasmuch as we are honoring the Blessed Virgin Mary for her birthday tomorrow, this event is also our presence to our brothers and sisters in the margins, particularly those affected by the drug war in Bagong Silangan, Quezon City,” sabi ni Rogelio Nato, ang punong-ugnay ng CMO.

(Kaalinsabay ng pagpipitagan natin sa Mahal na Birheng Maria para sa kanyang kaarawan bukas, ang gawaing ito ay pagpapadama rin ng ating presensya sa ating mga kapatid na nakararanas ng drug war sa Bagong Silangan, Lungsod Quezon.)

Huling idinaos ang HKM noong Disyembre 2006 upang ipagdiwang ang Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Ina.

Sa muling pagdaraos nito ngayong taon, kasama ng CMO ang apat na Katolikong organisasyong kabilang sa CSC, ang UP In-Christ Thrust for University Students, UP Student Catholic Action, Youth for Christ - Diliman, at Christ’s Youth in Action. Bagama’t hindi nakadalo, kabilang din sa CSC ang Klub Tala at ang Campus Feast.

Kinumpirma na rin ng CMO, ang punong kalihim ng CSC, ang pagiging taunang gawain ng nasabing pagtatanghal.

“Indeed, we have set to ourselves this commitment to hold this kind of Marian activity every year, as our way of honoring Mama Mary in her birthday, particularly for her role in God’s plan of salvation,” sabi ni Nato.

(Tunay na amin nang naitalaga sa aming sarili na idaos nang taunan ang ganitong gawain upang bigyang-pitagan ang Inang Maria sa kanyang kaarawan, lalo na sa kanyang papel sa gawang pagliligtas ng Diyos.) //Handuhay